Pinawi ng Department of Health ang pangamba ng publiko sa gitna ng pagtaas ng bilang ng non-COVID-19 cases sa mga ospital, ngayong bumababa ang bilang ng mga pasyenteng may Sars-Coronavirus 2.
Tiniyak ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na stable ang paggamit ng non-COVID beds at patuloy ring pinalalawak ang kapasidad nito kaya’t walang dapat ipag-alala.
Ayon kay Vergeire, kung mayroon mang tinatamaan ng COVID-19 ay hindi gaanong kataasan ang bilang at mababa rin ang occupancy rate ng non-COVID beds sa mga ospital.
Una nang inihayag ng St. Luke’s medical center na dumarami na ang kanilang non-COVID patients habang binuksan na ng Jose N. Rodriguez memorial hospital sa Caloocan ang kanilang outpatient department upang tugunan ang non-COVID patients.
Sa ospital naman ng Imus sa Cavite, aabot na sa 90 hanggang 100 percent ang mga non-COVID patient sa emergency room at ward.
Sa kabila nito, muling pinaalalahanan ni Vergeire ang publiko na mag-ingat at ugaliing sumunod sa minimum health standards.—mula sa panulat ni Drew Nacino