Dapat isama sa panukalang 2023 National Budget ang 25 billion pesos na pondo para sa pagtaas ng pensyon ng mga mahihirap na senior citizen.
Ito ang hiniling ni Surigao Del Sur Rep. Johnny Pimentel sa Malakanyang kasunod ng pagsasabatas ng Republic Act No. 11916 kung saan dinagdagan ng P500 ang kasalukuyang P1,000 na pensyon ng mahihirap na mga lolo at lola sa bansa.
Nakapaloob sa taunang budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pondo para sa social pension program for indigent senior citizens.
Aniya, hindi kasama sa DSWD budget ang salaping kakailanganin para sa pension hike ng 4.1 milyong indigent senior citizen sa bansa.
Giit pa nito na malaking tulong ang maibibigay ng pension increase para matugunan ang mga pangangailangan ng mga kapos-palad na senior citizen.