Itinanggi ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association na tumaas na ang presyo ng mga noche buena products.
Ayon kay Steven Cua, pangulo ng grupo, sapat na sapat pa ang suplay ng noche buena products sa mga supermarkets kaya’t walang dahilan upang ito ay magtaas.
Posible anya na sa mga sari-sari stores at palengke na-monitor ang pagtaas ng presyo ng ilang noche buena products dahil karamihan naman sa kanila ay namimili lamang sa malalaking supermarkets.
Gayunman, sinabi ni Cua na ilang brands ng ham ang tumaas ng halos 5 porsyento sa presyo nito noong nakaraang taon.
Dahil dito, hinikayat ni Cua ang publiko na agahan ang pamimili ng kanilang gagamitin sa noche buena upang hindi maabutan ng gitgitan at pagkaubos ng mga gusto nilang brands.
“Kaya nga nagtataas ang ibang supermarkets kapag papalapit ang Christmas day dahil nagre-replenish sila at hindi na sila makapag-replenish sa regular source nila dahil naubusan din, so they have to replenish from other sources which are wholesalers, another level na naman yan, so mas mataas ang kuha nila palapit ang Christmas day mas mataas din ang benta.” Pahayag ni Cua.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas