Reporma muna bago pagtaas sa kontribusyon sa SSS.
Binigyan diin ni dating Bayan Muna Partylist Representative Neri Colmenares na maaari namang itaas ang pension ng SSS pensioners nang walang contribution increase.
Ito ay kaugnay sa P1,000 dagdag pension na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga retiradong miyembro ng SSS.
Sa panayam ng programang Karambola, sinabi ni Colmenares na kung aayusin muna ng SSS ang rate efficiency, investments, at bawasan muna ang operating cost at ang mga bonuses ng ahensya, hindi na kailangan pa na dagdagan ng 1.5% ang kontribusyon na paghahatian ng employer at empleyado.
Ipinaliwanag ni Colmenares na noon pa ay reporma na ang kanilang idinedebate sa Kongreso bago magtaas sa pensyon.
“Ang pinag-disagree-han lang noon kay (Pangulong) Aquino, was si Aquino pumayag sa SSS line na kontribusyon muna bago reform, ang Kongreso ayaw namin gusto namin, reform muna bago contribution increase kung kailangan pa. Ang proposal ng Aquino SSS ay 5 to 7 percent increase (contribution), talagang tinakot kami.” Ani Colmenares
Isa sa repormang hinihiling ni Colmenares ay ang pagpapalakas sa pagkolekta ng kontribusyon ng kumpanya na umaabot lang ng P11.8 million gayong may 40.8 million ang may trabaho.
“Ang sabi namin marami kayong hindi nakokolekta na mga employers na hindi nagre-remit, ayusin niyo kaya muna.”
Sinabi din ni Colmenares na base sa kanilang pag-aaral kung maiakyat ng SSS sa 16 Million ang kanilang paying members ay madadagdagan ang buhay nito ng lima hanggang pitong taon.
Matatandaang, isa si Colmenares sa masigasig na nagsulong ng dagdag na pensyon para sa mga retiradong miyembro ng SSS.
By Aiza Rendon
Credits to: Karambola Program of DWIZ na mapapakinggan mula Lunes hanggang Biyernes alas-8 hanggang alas-9:30 ng umaga kasama sina Jojo Robles, Conrad Banal, Jonathan Dela Cruz at Prof. Tonton Contreras