Pinagsabihan ng Malacañang mga grupong tutol sa tuition fee increase na huwag basta sumasabak sa mga kilos protesta kung hindi nauunawaan ang dahilan ng pagtaas ng matrikula.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Sonny Coloma na hindi naman nagtataas ng singil sa matrikula ang mga unibersidad o kolehiyo kung walang pag-apruba mula sa Commission on Higher Education o CHED dahil may batas na sinusunod partikular ang tuition fee law.
Bago aniya magkaroon ng tuition fee hike, dumadaan muna ito sa multi-sectoral consultation at ipinapaalam sa mga magulang ang sitwasyon ng paaralan.
Idinagdag pa ni Coloma na maraming private schools ang hindi binibigyan ng budget o subsidiya mula sa gobyerno.
Binigyang-diin ng kalihim na anumang institusyon na naghahatid ng serbisyo ay kailangan ang maayos na kalagayang pampinansyal para matustusan ang pagtaas sa suweldo ng mga guro at non-academic personnel ng paaralan.
By: Meann Tanbio