Pagpapakita ng suporta kay Mayor Rodrigo Duterte sa pagtakbo nito bilang Pangulo ang ginawang pagpapakalbo ng anak nitong si Inday Sara.
Ito ang nakikitang dahilan ni Mar Masanguid, pangulo at founder ng Duterte for President 2016.
Ayon kay Masanguid, ginawa ni Sara ang pagpapakalbo para matapos na ang paninisi sa kanya ng taumbayan na siyang itinuturong dahilan sa hindi pagtakbo bilang Pangulo ng kanyang ama.
Aniya, ang pagpapakalbo ni Inday Sara ay paraan para hindi na siya ang gamitin pang dahilan ni Mayor Duterte sa hindi nito pagtakbo.
Naniniwala naman ang mga tagasuporta ni Duterte na positibong senyales ang pagpapakalbo ni Inday Sara.
“Para malaman ng taong bayan si Sara ay nagpakalbo para wala nang dahilan si Mayor Rudy, ang kay Sara ay pagpapakita na kailangang tumakbo ang kanyang father para sa pagbabago.” Ani Masanguid.
Matatandaang, nagpakalbo si inday sara duterte kahapon bilang pagpapakita ng kanyang suporta sa amang si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sakaling tumakbo ito sa 2016 presidential elections.
Sa isang larawan sa Instagram, makikita si Inday Sara habang nagpapakalbo na ginaya naman ng ilang local officials.
Sinasabing payag na rin ang misis ni Duterte na si Honeylet na tumakbo ang kanyang mister sa halalang pampanguluhan.
Nakasaad sa caption na kahit wala umanong pera, walang makinarya, at matalo ay suportado ni Sara ang kanyang ama.
Sa Facebook account naman ni Inday Sara, nag-post din ito ng larawan ni Mayor Duterte na may nakasulat na “Bayan o Sarili 10-15-15.”
Posible naman umanong maghain ng kanyang kandidatura si Duterte ngayong araw o bukas, Oktubre 16.
By Mariboy Ysibido | Ratsada Balita | Jelbert Perdez