Kinumpirma ni Vice President Sara Duterte na seryoso niyang ikinokonsidera ang pagtakbo sa 2028 national elections.
Ito’y matapos matanong ng isang OFW sa Japan hinggil sa posibilidad na tumakbo siya sa 2028 polls.
Nabatid na nagtungo si VP Sara sa Japan noong weekend para sa isang private trip ngunit nakabalik rin agad sa bansa kahapon.
Sa naturang pagbisita, kinausap ng Bise Presidente ang ilan sa mga grupo ng OFWs sa nasabing bansa.
Hindi naman binanggit ng Bise Presidente kung ano ang posisyong pinag-aaralan niyang takbuhan sa 2028.
Samantala, balak umano ni dating presidential Legal Counsel Salvador Panelo na patakbuhin si Senador Robin Padilla bilang pangulo sa 2028 sakaling hindi tumakbo si Duterte. – Sa panulat ni Jeraline Doinog