Tatapatan ng Senado ang pagtalakay ng Kamara sa panukalang nagtatakda ng apat na araw na pasok sa trabaho ng mga manggagawa kada linggo.
Ayon kay Senate Committee on Labor Employment and Human Resources Chairman Joel Villanueva, kanila nang itinakda sa Setyembre 13 ang pagtalakay hinggil dito.
Kailangan lang aniya nilang pagpasyahan kung i-a-adopt ng Senado ang bersyon ng Kamara o kung may mga senador na maghahain ng kanilang sariling bersyon ng nasabing panukala.
Sa ilalim ng House Bill 6152, bibigyang kalayaan ang mga mangaggawa na makapagtrabaho ng apat sa halip na limang araw ngunit kapalit nito ang pagpapabaha sa oras ng trabaho sa 10 hanggang 12 oras mula sa dating 8 oras.
Parusa lang—KMU
Tinawag na labor slavery o pang-aalila lamang sa mga manggagawa ang panukalang pagtatakda ng 4-day work week sa mga manggagawa sa pribadong sector.
Ayon kay Ka Elmer Labog, Pangulo ng grupong KMU o Kilusang Mayo Uno, tutol sila sa nasabing panukala dahil malinaw na paglabag ito sa umiiral na batas.
Sinabi sa DWIZ ni Labog na hindi nakatutulong sa mga manggagawa lalo na sa kalusugan nito ang mahabang oras na siyang kapalit ng pinaikling araw ng pagtatrabaho sa loob ng isang lingo.
Babala pa ni Ka Elmer, sakaling maging ganap nang batas ang panukalang 4-day work week, magbubukas lamang ito lalo sa paglaganap ng kontraktuwalisasyon sa bansa.
By Jaymark Dagala / BNSP Interview