Posibleng tamaan ng 7.2 magnitude ng lindol ang Metro Manila at mga karatig lugar.
Batay ito sa pagtaya ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa lakas ng lindol sakaling gumalaw ang West Valley Fault na tumatahak sa silangang bahagi ng Metro Manila at ilang bayan sa Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna.
Ayon kay PHIVOLCS Director Renato Solidum, hindi kayang i-predict kung kelan magaganap ang isang lindol subalit puwede itong tantyahin ang lakas ng lindol na puwedeng tumama sa isang lugar base sa haba ng fault.
Halimbawa anya ang paggalaw ng 100 kilometer na haba ng West Valley Fault ay puwedeng magresulta sa 7.2 magnitude ng lindol samantalang ang 10 kilometer sa east ay hanggang 6.2 lamang.
Ipinaliwanag ni Solidum na ang lahat ng lindol ay may enerhiya na naiimbak sa bato at ang dami ng bato na puwedeng mabitak ay depende sa haba ng fault, ibig sabihin kapag mahaba ang fault ay mas mataas ang magnitude ng lindol.
Kung ibabase rin anya sa kasaysayan, lumalabas na tuwing ika-400 taon gumagalaw ng malakas ang West Valley Fault.
“Kung sakaling ito ay gagalaw with magnitude 7.2 matindi ang epekto sa pag-uga ng lupa, intensity 8, malaki din ang damage kung sakaling wala tayong gagawin sa mga bahay at gusali. Pangalawang scenario, kung sa dagat naman, posibleng magnitude 7.9-8.3 which is offshore West ng Luzon, malaki-laki ang magnitude na ito compared to 7.2 pero dahil ang distansiya nito ay malayo na sa Metro Manila, yung pag-uga ng lupa ay hindi kasing-lakas.” Paliwanag ni Solidum.
Samantala, hinikayat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang mga Local Government Units (LGU) na gamitin ang bagong Valley Fault Atlas o mapa ng faultline sa Metro Manila at mga karatig lugar para mapaghandaan ang posibleng pagtama ng malakas na lindol.
Ayon kay PHIVOLCS Director Renato Solidum, maari itong simulan ng mga LGU’s sa pamamagitan ng mga ordinansang magbabawal sa pagtatayo ng bahay o gusali sa ibabaw ng faultline.
Inirerekomenda rin ng PHIVOLCS na ipamahagi ng LGU’s sa kanilang mga mamamayan ang impormasyon kung saan tumatahak ang faultline upang alam nila ang gagawing paghahanda.
Pinuna ni Solidum na maganda ang nilalaman ng building code sa kasalukuyan subalit kulang lamang ito sa implementasyon.
“Marami pa ring mga residential building ang maaapektuhan, unang-una dahil may mga porsyento dito na hindi kumuha ng permit at walang guidance ng civil engineers or architects sa paggawa ng bahay, so dapat mag-focus tayo dun at sa iba pang pampublikong gusali.” Ani Solidum.
Ayon kay Solidum, kumpara noon ay mas handa na ngayon ang bansa lalo na ang Metro Manila sa posibleng pagtama ng malakas na lindol.
Meron na anyang mga sariling search and rescue team ang iba’t ibang syudad sa Metro Manila na puwedeng kumilos agad subalit kelangan pa ring mabuo ito sa mga karatig na lalawigan.
Gayunman, sinabi ni Solidum na hindi lamang ang pamahalaan ang dapat na maging handa kung higit sa lahat ay ang mga tao.
“Third preparedness is preparedness to respond para mapababa pa ang bilang pa ng mga mamatay among with the injured. Malaki na ang ginagawang effort ng Metro Manila, may mga search and rescue, mga volunteers na tini-train na ang MMDA, pero dapat yung mga karatig probinsiya within Luzon and Visayas and even in Mindanao, magkaroon pa tayo ng mas maraming search and rescue groups kasi sila ang tutulong sa atin.” Paliwanag ni Solidum.
By Len Aguirre | Ratsada Balita