Nanganganib makaranas ng tagtuyot ang apatnapu’t pitong (47) lalawigan sa bansa kapag natuloy ang pagtama ng El Niño phenomenon sa unang bahagi ng taong ito.
Batay sa paglalarawan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, maituturing na tagtuyot kapag nabawasan ng hanggang animnapung (60) porsyento ang dalas ng ulan sa loob ng tatlo hanggang limang magkakasunod na buwan.
Dry spell naman umano ang mararanasan ng labing isa (11) pang probinsya.
Maituturing namang dry spell kapag nabawasan ng dalawampu’t isa (21) hanggang animnapung (60) porsyento ang dalas ng pag-ulan sa dalawa hanggang tatlong magkakasunod na buwan.
Napag-alamang maraming barangay na sa bayan ng M’lang sa North Cotabato ang nakakaranas na ng tagtuyot at maagang nawalan ng tubig ang kanilang irigasyon.
Samantala, hirap na di umano sa supply ng tubig ang Zamboanga City dahil sa mababang lebel ng tubig sa kanilang filtration plant.
Dahil dito, pinayuhan ng PAGASA ang mamamayan na magtipid sa paggamit ng tubig dahil nasa pitumpu (70) hanggang walumpung (80) porsyentong tuloy ang pagtama ng El Niño sa bansa.
Climate Change
Samantala, mas bumilis pa ang pag-init ng mga karagatan sa buong mundo.
Batay ito sa pag-aaral ng US Journal Science sa pangunguna ng Chinese Academy of Sciences.
Pinabulaanan ng naturang pag-aaral ang mga naunang ulat hinggil sa hiatus o pagtigil ng ng global warming nitong mga nakaraang taon.
Batay sa bagong teknolohya na ginamit sa pag-aaral, walang naganap na hiatus at tuloy-tuloy ang global warming na banta sa marine life.
Apat na libong (4,000) floating robots na kayang lumubo hanggang dalawang libong (2,000) metro ang ginamit ng mga siyentipiko sa pagsukat sa temperatura ng mga karagatan.
—-