Nagpulong na ang Commission on Elections (COMELEC), Departments of Education at Information and Communications Technology (DICT) upang ilatag ang mga preparasyon para sa target na COVID-19 proof 2022 elections.
Ipinakita ni COMELEC Deputy Executive Director for Operations Teopisto ELnas ang listahan ng preventive measures na ipatutupad upang maprotektahan ang poll watchers, volunteers at botante sa nasabing halalan.
Bukod sa pagsusuot ng face masks, physical distancing at hand sanitation, kabilang sa listahan ang temperature checking pagpasok ng voting precinct, pagsasaayos ng hiwalay na entrance at exit points at pagkakaroon ng health stations at holding areas.
Ayon kay Elnas, sampu hanggang labinlimang botante lamang ang papayagan sa loob ng isang polling place mula ala sais ng umaga hanggang ala syete ng gabi at bawal ang tumambay at makipag-tsismisan.
Samantala, inihayag naman ni DICT Undersecretary Emmanuel Rey Cainti na kailangan ding magsagawa ng swab tests para sa public school teachers at iba pang volunteers dahil pa rin sa banta ng COVID-19. —sa panulat ni Drew Nacino