Iimbestigahan na ng National Privacy Commission o NPC ang isiniwalat ni Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin na tinangan ng dating passport production contractor ng DFA ang datos ng ilang passport holder.
Ayon sa NPC, kanilang pagpapaliwanagin ang mga DFA official maging ang hindi pa pina-pangalanang foreign passport contractor.
Inihayag ng NPC na dapat matiyak na hindi mako-kompromiso ang anumang personal na impormasyon ng passport holder.
Maraming bagong aplikante anila ang posibleng maabala dahil kailangang magsumite ng panibago at orihinal na kopya ng birth certificate para sa passport renewal.
Ito’y makaraang aminin ng DFA na kailangan nilang buuing muli ang kanilang database dahil wala na sa kanilang kamay ang physical copy ng dokumentong isinumite sa kanila ng mga aplikante nang mag-apply ng pasaporte ang mga ito.
Ilang senador nagsalita na kaugnay sa isyu
Dapat kasuhan ang dating service contractor ng Department of Foreign Affairs na tumangay umano sa datos ng ilang passport holder makaraang hindi i-renew ng DFA ang kanilang kontrata.
Ayon kay Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon, awtomatikong public record na ang mga impormasyong tinangay ng hindi pinangalanang passport manufacturer kaya’t dapat lamang ibalik sa gobyerno.
Hindi ko alam ang punot dulo nito pero kung totoo ‘yan we should compel the contractor to return this data. Ito ay pag-aari ng gobyerno, wala silang karapatang panghawakan ito, it will cause inconvenience dahil sa mga magre-renew uulitin na naman. Sa akin dapat sampahan ng kaso kung di isosoli ng dating service contractor to compel that company to return the records. Pahayag ni Drilon
Samantala, hindi naman nangangamba si Senate President Tito Sotto sa kabila ng posibilidad na ma-kompromiso ang mga sensitibong impormasyon ng mga passport holder.
Kampante si Sotto na may sapat na kakayahan ang DFA upang ma-protektahan ang privacy ng mga passport holder at mabawi ang mga tinangay na impormasyon.
Palagay ko di naman dapat ikabahala pero dapat ikainis. Palagay ko kaya naman ng DFA na magkaroon ng enough protection. Hindi naman naaalarma si Sec. Locsin parang naiinis lang siya, tingin ko makukuha natin ‘yun di maaaring hindi. Paliwanag ni Sotto