Iginiit ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagtanggal sa locational investment restrictions kabilang na ang Business Process Outsourcing (BPO) operations sa Metro Manila.
Ito, ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, ay upang magkaroon ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino na nawalan ng hanap-buhay dahil sa pandemic.
Suportado aniya ng DTI at Board of Investments ang rekomendasyon ng business sector na aralin ang investment priorities plan (IPP) at tanggalin ang geographical qualifications para magkaroon ng subsidies, incentives at programa.
Ipinabatid ni Lopez na naghahanda na ng sulat ang Philippine Economic Zone Authority (PEZA) para himukin ang Office of the President na alisin ang moratorium sa ilalim ng Executive Order No. 18 hinggil sa pagtatayo ng bagong BPO operations sa Metro Manila, batay na rin sa bagong create law.
Dahil sa pagbabawal ng EO No. 18 na bigyan ng tax incentives ang mga bagong BPO companies sa Metro Manila, hindi na itinuloy ng ilang kumpanya ang expansion sa bansa dahil sa paniniwalang hindi akma ang maynila para sa kanilang operation expansion.