Hiniling ng isang mambabatas mula sa Mindanao kay House Speaker Pantaleon Alvarez na imbestigahan ang ginawang pag-alis ng NAPOLCOM o National Police Commission sa deputation o kapangyarihan ng mga lokal na opisyal ng Mindanao sa kanilang mga pulis.
Ayon kay Sulu Representative Abdulmunir Arbison, nakababahala ang naging pasya na ito ng NAPOLCOM dahil posibleng maka-apekto iyon sa kampaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtatamo ng kapayapaan lalo na sa kanilang rehiyon.
Magugunitang maliban kay Sulu Governor Abdusakur Tan II, tinanggalan din ng deputation ng NAPOLCOM ang 13 alkalde sa ARMM kasunod ng nangyaring pag-atake ng teroristang Maute sa Marawi City na siyang naging hudyat ng pagdi-deklara ng batas militar sa Mindanao.
Hunyo 4 naman nang ilabas ng NAPOLCOM ang resolusyon laban sa 132 alkalde sa Mindanao na tinatanggalan ng deputation powers dahil sa pagkakadawit naman sa krimen, iligal na droga at pang-aabuso sa kapangyarihan.