Suportado ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ang panawagan ni Tourism Secretary Bernadette Romulo–Puyat na alisin ang restriksyon sa edad ng mga turistang magtutungo ng Boracay Island.
Kasunod ito ng nakatakdang pagbubukas ng isla para sa mga turistang magmumula sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) tulad ng Metro Manila sa susunod na buwan.
Ayon kay Año, maaaring alisin ang age restrictions sa mga bibisita sa Boracay basta’t sasailalim ang mga ito sa RT-PCR test at lalabas na negatibo sa COVID-19 bago bumiyahe patungong isla.
Una nang sinabi ni Puyat na kanyang inirekomenda sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na payagang makabisita sa Boracay Island ang mga senior citizens at mga may edad 20 pababa.
Magugunitang sinimulang buksan ang Boracay Island para sa mga residente ng Aklan at Western Visayas noong Hunyo.