Pinag-aaralan na ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang rekomendasyon na alisin na ang COVID-19 alert level system sa Metro Manila upang tuluyang makapagbukas ang ekonomiya.
Ito’y sa gitna ng posibleng paglipat ng bansa sa tinatawag na “endemic” stage sa oras na tuluyang bumaba na ang COVID-19 cases o maglaho na ang banta nito ngayong taon.
Ayon kay NEDA Director-General Karl Chua, dapat nang simulan ng gobyerno ang proseso ng paglipat sa endemic mula sa pandemic mindset bilang bahagi ng exit plan mula sa pandemya.
Una nang ipinanukala ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na dapat alisin ang alert level system sa NCR ngayong taon, lalo’t granular na lamang ang mga lockdown.
Sa panig naman ni Chua, bagaman kailangang pag-aralang maigi ang hirit ni Concepcion, dapat anyang manatili muna ang alert level system hangga’t hindi pa tuluyang naka-a-alpas ang bansa sa pandemya.—sa panulat ni Mara Valle