Inihayag ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), na posibleng abutin pa ng dalawang araw bago maalis ang eroplano ng Korea na sumadsad sa runway ng Mactan-Cebu International Airport.
Ayon kay CAAP spokesman Eric Apolonio, pahirapan parin sila sa pagtanggal sa nasabing aircraft dahil malambot ang lupang kinatatayuan nito bunsod ng nararanasang mga pag-ulan sa lugar.
Sinabi ni Apolonio, na limitado pa rin ang operasyon at pagbiyahe sa naturang paliparan kung saan, isang flight ang pinauna na para maibalik ang mga stranded na pasahero patungong South Korea.
Samantala, may itinakda namang oras ang CAAP sa pagbubukas ng runway upang mabigyang daan ang unti-unting paghatak ng naturang eroplano.
Bukod pa dito, nakuhanan narin ng Official Statement ng Aircraft Investigators ang mga piloto at crew hinggil sa pagsadsad ng Korean Air Plane.