Mahalaga pa rin ang professional test o board exam sa mga propesyon na buhay at kalayaan ang nakataya.
Ito ang inihayag ni Senador Sonny Angara makaraang tutulan ang panukala ni Labor Secretary Silvestre Bello III na tanggalin na lahat ng board at bar exams.
Ayon kay Angara, hindi kailangan na may professional test sa lahat ng propesyon pero importante anya na mayroon nito para sa doktor, engineer at lawyer at iba pang propesyon na kapag sila ay nagkamali ay maaaring magresulta sa pagkalawa ng buhay at maaaring may mapagkaitan ng kalayaan.
Pero sa ibang profession na sangkot sa kalakalan o sales, sinabi ni Angara na dapat wala ng professional test.
Sinabi naman ni Senador Joel Villanueva na hindi maaaring tanggalin ang professional test dahil ito ang tanging patunay na may sapat na kakayahan ang ating mga professionals tulad ng mga doktor, nurse, accountant, engineer, architects, at iba pa.
Hindi anya maikakaila na may mga pagkukulang ang Philippine Regulatory Commission (PRC) sa pagtiyak na tuloy ang board exams kahit na may pandemya.
Dahil dito, naghain si Villanueva ng resolusyon na nagpapatawag ng pagdinig para solusyunan ang problema sa pagsasagawa ng board exams.
Pagdating naman sa bar exam, sinabi ni Villanueva na korte suprema ang nangangasiwa sa naturang exam kaya’t nasa kanila ang pagpapasya sa mungkahi ni Secretary Bello na buwagin na pati bar exam. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)