Siniguro ng National Food Authority o NFA na hindi tatanggalin sa merkado ang kanilang bente syete pesos (P27) na bigas.
Ito ay matapos na umugong ang balitang mawawala na sa merkado ang pinakamurang bigas ng NFA dahil sa kakulangan ng suplay.
Ayon kay NFA Director Rex Estoperez, kakailanganin ng mahabang pag-aaral bago maitaas ang presyo ng naturang bigas.
Sa ngayon aniya ay malayo itong mangyari lalo’t ito pa rin ang madalas na tinatangkilik ng pinakamahihirap na pamilya sa buong bansa.
Samantala, hindi pinagbigyan ng NFA ang hirit ng grupong Samahan ng Industriya ng Agrikultura na taasan ang buying price sa mga palay partikular sa Luzon dahil magkakaroon ito ng malaking epekto sa presyuhan ng NFA rice.
—-