Hindi dapat sisihin ang National Police Commssion o NAPOLCOM sa nangyaring pagpatay kay Tanauan City Batangas Mayor Antonio Halili.
Ito ang iginiit ni NAPOLCOM Vice Chairman Rogelio Casurao matapos lumabas ang anggulong posibleng nagkaroon ng pagkakataon ang mga salarin sa pagpatay kay Halili sa pagkakatanggal sa police power nito.
Paliwanag ni Casurao, isang pribilehiyo ang police power kung saan inaatasan ang isang local chief executive na pamunuan at pamahalaan ang katahimikan sa sinasakupang lugar.
Hindi aniya nangangahulugan ito ng pagbibigay ng seguridad sa opisyal.
“Masyadong malayo kung bakit nauugnay ang NAPOLCOM doon, on the contrary tayo nga ang nagbibigay ng authority para ikaw ang mamahala ng peace and order sa lugar, wala po itong kinalaman sa security na hinahanap mo na sana nagbigay sayo ng proteksyon.” Ani Casurao
Dagdag pa ni Casurao ibang proseso ang pagkuha ng police security mula mismo sa PNP.
“Sa Kapulisan natin may ahensya po o unit diyan na nangangasiwa ng security ng ating local chief executives on a case to case basis, mag-aapply ka niyan sa Camp Crame tapos ‘yung unit na ‘yan ang magde-determine if you’re entitled with the security.” Pahayag ni Casurao
CHR statement
Samantala, kinondena ng Commission on Human Rights ang pagpatay kay Tanauan City Batangas Mayor Antonio Halili.
Sa ipinalabas na pahayag ng CHR, kanilang iginiit na bagamat isinasailalim sa imbestigasyon si Halili, hindi dapat ito inaalisan ng karapatan na mabuhay at dumaan sa paglilitis.
Binigyang diin ng CHR, walang tao, opisyal man o maging hinihinalang kriminal ang dapat pagkaitan ng karapatan sa due process.
Kasabay nito, nangako ang CHR na iimbestigahan ang kaso ng pagpatay kay Halili.
Magugunitang binatikos at pinakakasuhan ng CHR si Halili dahil sa kontrobersiya nitong walk of shame kung saan kanyang ipinaparada ang mga kriminal sa Tanauan City.
—-