Pupulungin na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga miyembro ng National Price Coordinating Council o NPCC sa mga susunod na linggo.
Ito’y upang makabuo ng rekomendasyon na magkakansela sa price freeze sa ilang lugar na walang nagaganap na “unrest” o kaguluhan.
Ayon kay DTI Assistant Director Lilian Salonga, kapag nabuo na ang rekomendasyon ay agad itong isusumite kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Salonga na kailangan nang i-convene ang NPCC bunsod ng ipinatutupad na price freeze na nag-ugat sa idineklarang ‘state of emergency’ ng Pangulong Duterte.
Saklaw ng price freeze ang mga karne ng baka, baboy at manok at fresh dairy products, at gayundin ang sibuyas, bawang, fertilizer, pesticides, herbicides, poultry, swine at cattle feeds.
Binabantayan din ng DTI ang presyo ng harina, processed o canned pork, processed o canned beef at poultry meat, suka, patis, toyo, toilet soap, papel, school supplies at iba pang mga produkto.
Giit ni Salonga, hangga’t walang kautusan mula sa Presidente ay hindi magkakaroon ng paggalaw sa presyo ng mga naturang produkto.
By Jelbert Perdez