Inihayag ng Senado na magkakaroon sila ng livestreaming para sa reception o pagtanggap ng Certificates of Canvass (COCs) at Election Returns (ERs) ng presidential at vice presidential votes bukas, Mayo 9.
Ayon kay Senate secretary Myra Marie Villarica, mapanonood ang livestreaming sa kanilang YouTube channel simula alas-6 ng hapon, bukas o pagkatapos ng botohan.
Aniya, ito ang unang pagkakataon na magkakaroon ang Senado ng live broadcast ng pagdating at pag-deposit ng lahat ng election documents ng 24/7.
Paliwanag ni Villarica, gagamitin nila ang teknolohiya para matiyak ang transparency ng isasagawang eleksyon.
Maliban dito, naghigpit na rin nila sa seguridad lalo na pagdating sa ballot boxes ng COCs at ERs sa pamamagitan ng paglalagay ng roving cameras na ino-operate ng mga tauhan ng Public Relations and Information Bureau (PRIB) ng Senado.