Nanindigan ang Malakanyang na hindi iligal ang pagtanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte ng impormasyon mula sa ibang bansa kaugnay sa plano umano ng ilang kagawad ng media at National Union of People’s Lawyer (NUPL) na patalsikin siya sa pwesto.
Ito’y matapos kuwestyunin ni Vice President Leni Robredo ang tila pang-iispiya umano ng ibang bansa sa mga Pilipino at paggiit na ito ay labag sa konstitusyon.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, walang mali sa ginawa ng pangulo at bahagi lamang aniya ito ng intelligence information sharing ng iba’t ibang bansa.
Hindi naman tinukoy ni Panelo kung saan bansa galing ang naturang impormasyon ng umanoy pagsasabwatan ng Vera Files, Rappler, Philippine Center for Investigative Journalism at NUPL para pabagsakin ang pangulo at kasalukuyang administrasyon.
Gobyerno, nananatiling prayoridad ang pagtulong sa mahihirap na biktima ng bakbakan sa Marawi
Nilinaw ng Malakanyang na nananatiling prayoridad ng gobyerno na matulungan ang mga mahihirap na biktima ng bakbakan sa Marawi city at hindi ang mga mayayamang negosyante sa lungsod.
Ito’y kasunod ng naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi na aniya gagastos ng kahit sentimo ang gobyerno para sa rehabilitasyon ng Marawi city matapos masira ang lungsod dahil sa giyera sa pagitan ng tropa at mga terorista.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo na uunahin pa rin ng gobyerno ang mga ordinaryong mamamayan ng Marawi na nawalan ng bahay at hanapbuhay dahil mas madaling makabangon umano ang mga mayayaman dahil maaari pa umanong magtayo muli ang mga ito ng kanilang panimulang negosyo.
Kasabay nito tiniyak ni Panelo na may pondong nakalaan para sa rehabilitasyon ng Marawi upang maibalik sa normal ang pamumuhay ng mga residente roon.
Malakanyang, tiwalang tuloy ang magandang relasyon ng Japan-PH
Tiwala ang Malakanyang na mananatili ang magandang relasyon ng Pilipinas at Japan sa ilalim ng bagong emperor ng nasabing bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, umaasa silang maitataguyod ang golden age sa strategic partnership ng Pilipinas at Japan sa panahon ng panunungkulan ni Crown Prince Naruhito na nakatakda nang umupo bilang japanese emperor ngayong araw.
Kasabay nito, sinabi ni Panelo na bagama’t ikinalulungkot ng Malakanyang ang pagbaba na sa trono ni Japanese Emperor Akihito, kanilang nirerespeto ang desisyon nito.
Hangad aniya ng Palasyo ang ikabubuti ng walumput limang (85) taong gulang na si Emperor Akihito na itinuturing na malapit na kaibigan Pilipinas.
Sa panulat ni: Krista De Dios
Pag-asa at Eastern Kalayaan Island bilang marine protected areas, hindi kailangan ng permiso mula sa China
Iginiit ng Malakanyang na hindi na kailangan pang humingi ng permiso ng Pilipinas sa China para ideklara bilang marine protected areas ang Pag-asa Island at Eastern Kalayaan Island sa West Philippine Sea.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, sa kanyang pagkakaalam ay bahagi ng teritoryo ng Pilipinas ang Pag-asa at Kalayaan Island.
Gayunman, aminado rin si Panelo na posibleng ikainis muli ng China sakaling ideklara na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga isla at sea features sa West Philippine bilang marine protected areas.
Aniya, magreresulta ito ng deadlock sa pagitan ng Pilipinas at China na mauuwi naman sa muling pag-uusap ng dalawang bansa.
Magugunitang si National Security Adviser Hermogenes Espero Jr. ang naghayag na ikinukunsidera ng administrasyong Duterte ang pagdedeklara sa Pag-asa at Eastern Kalayaan Island bilang marine protected areas.
Sa panulat ni: Krista De Dios