Isang kautusan na ipinalabas ng Office of the Court Administrator noong 2010 ang ginawang batayan ng Philippine National Police o PNP nang tanggihan ang paglilipat kay Customs Broker Mark Taguba sa Custodial Center sa Kampo Krame.
Ayon kay PNP Spokesperson Chief Supt. John Bulalacao, nakasaad dito na dapat iwasang ikulong ng PNP ang mga naaaresto sa Custodial Center dahil na rin sa ginagawang pag-upgrade sa kanilang pamunuan.
Iginiit pa ni Bulalacao na mas pratikal kung sa Maynila ikukulong si Taguba dahil doon din naman aniya ito lilitisin.
Nilinaw naman ni Bulalacao na hindi bawal ang magpakulong sa mga naaaresto sa Custodial Center bagkus limitado lamang ito sa mga high risk at high profile tulad nina Senador Bong Revilla at Senadora Leila de Lima.
Balik NBI detention center naman si Taguba matapos tanggihan ng PNP ang pagpapakulong dito sa Custodial Center sa Kampo Krame.
(Ulat ni Jonathan Andal)