Ikinalugod ni Vice President Leni Robredo ang ginawang pagtanggi ni Pangulong Rodrigo Duterte na magdedeklara ito ng revolutionary government o magpapatupad ng martial sa buong bansa.
Sa ipinalabas na pahayag ng pangalawang Pangulo, sinabi nito na isang mahalagang hakbang ang anunsyo ng Pangulo para maalis ang pangamba ng mga Pilipino sa tila napipintong pagbabalik ng diktaturya sa bansa.
Dagdag ni Robredo, bilang isang opisyal ng pamahalaan, kanyang tinitiyak na hindi maabuso ang kapangyarihan ng mga nakaluklok.
Iginiit din ni Robredo na ang pahayag ng Pangulo ay isang malinaw na paalala sa mga opisyal ng pamahalaan na dapat nilang ipagtanggol at katigan ang konstitusyon na batayan ng demokrasya sa bansa.
Umaasa rin si Robredo na matitigil na ang pagkalat ng mga balita kaugnay ng panukalang pagtatayo ng revolutionary government na nagdudulot ng pangamba sa taumbayan.
—-