Idinepensa ng Department of Agriculture ang pagtanggi nilang kumpirmahin ang mga lugar kung saan may natuklasan o mga pinatay na baboy dahil sa misteryosong sakit.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, malaki ang posibilidad na ang mga makakapasok sa lugar na kontaminado ng sakit ng baboy tulad ng media ay maging carrier ng sakit.
Tumanggi si Dar na kumpirmahin o itanggi ang report na maraming baboy ang inilibing ng buhay sa Antipolo City.
Gayunman, sa sinusunod anyang protocol ng D.A, sa ganitong panahon, may sinusunod na proseso sa pagpatay, susunugin at saka pa lamang ililibing ang mga nagkakasakit na baboy.
Iginiit ni Dar na aantayin pa nila ang kumpirmasyon mula sa international laboratory bago isapubliko kung anong sakit ang tumama sa mga pinatay na baboy.