Isinusulong ng isang mambabatas na tapyasan ng 30% ang budget ngayong taon sa mga non-essential items at expenses ng mga taong gobyerno.
Partikular na pinatatapyasan ni House Committee on Public Accounts Chairman at Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor ay ang mga non-essential expenditures sa ilalim ng Maintenance and Other Operating Expenses na aabot sa P1.6-trilyon.
Ayon kay Defensor, layon ng itinutulak niyang budget cut sa P4.1-trilyon national budget na makalikom ng pondo para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) response at social amelioration program (SAP).
Aniya, kasama rito ang pondo sa travel na nasa P19.4-bilyon; training at scholarship, P32.9-bilyon; supplies at materials, P108.3-bilyon; at representation, dining out at entertainment para sa mga opisyal, at bisita na nasa P5.2-bilyon.