Siniguro ni Vaccine Czar Carlito Galvez sa publiko na hindi problema ang nangyaring pagtapyas sa alokasyon para sa free COVID-19 vaccines mula sa Covax Facility dahil maari namang makakuha ng additional doses ang Pilipinas sa abot kayang halaga.
Base sa ulat, aabot sa 20% ng populasyon ng bansa ang mabibigyan ng vaccine ng Covax Facility kungsaan 15% lamang dito ang magiging libre at babayaran na ng pamahalaan ang natitirang limang porsyento.
Kumpiyansa si Galvez, na walang setback ang pangyayaring ito dahil mayroon naman aniyang magandang agreement ang bansa sa Covax na magbibigay daan upang makabili ang gobyerno ng mas mababang halaga na bakuna.
Una ng sinabi ng Department of Health (DOH) na naihanda na nila ang budget para sa naturang 5% na kinakailangang bayaran ng pamahalaan.
Ang Covax Facility ay isang global initiative na ang layunin ay mabigyan ng patas o parehong distribusyon ng COVID-19 vaccines ang lahat ng mga bansa sa mundo.