Ikinalungkot ni Representative Luzviminda Ilagan ng Gabriela Women’s Partylist ang pagtapyas sa humigit-kumulang P195 milyong pisong pondo na pambili ng mga artificial contraceptives na nakapaloob sa P3 trilyong pisong 2016 national budget.
Ayon kay Ilagan, mga mahihirap na pamilyang Pilipino sana ang makikinabang sa pondong tinanggal gaya ng mga mahihirap na mag-asawa na hindi kayang bumili ng contraceptives.
Maliban sa birth control, kasama rin aniya sa makikinabang sa tinapyas na pondo ang family planning program ng pamahalaan para mapababa ang maternal mortality o mga namamatay na ina dahil sa kumplikasyon ng panganganak o pagbubuntis.
Mataas na rin aniya ang ratio ng bansa pagdating sa mga batang nanganganak.
“Yung pagplano ng pamilya para mapababa na itong maternal mortality kasi ang Pilipinas, kulelat talaga, hindi naaabot yung millennium development kung nababaan natin yung maternal mortality at mataas na din ang ratio natin ng mga bata pa nanganganak.” Pahayag ni Ilagan.
Pia Cayetano
Samantala, hindi katanggap-tanggap para kay Senator Pia Cayetano ang pagpapalusot ng ginawang budget cut sa family planning funds ng Department of Health.
Ayon sa senadora, sa naging bicameral conference ay hindi nabanggit ang pagtapyas sa line item budget sa family planning.
Nalaman na lang aniya ito ng mga senador nang lagdaan na ng Pangulong Noynoy Aquino ang naipasang General Appropriations Act of 2016.
Una nang sinabi ni Senate Finance Committee Head Senator Loren Legarda na ang tinanggal na P1 bilyon sa DOH ay napunta para sa upgrading ng mga kagamitan ng Department of National Defense (DND).
By Mariboy Ysibido | Balitang Todong Lakas | Rianne Briones