Pinapurihan ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting ang ginawang pagpasa ng Kamara sa panukalang batas na naglalayong itaas ang limit sa gastusin ng mga kandidato tuwing halalan.
Ayon kay PPCRV National Chairman Rene Sarmiento, tila malapit na sa katotohanan ang gastusin ng lahat ng mga kandidato lalo’t tumataas na rin ang presyo ng mga pangunahing bilihin partikular ang mga materyales na ginagamit sa halalan.
Sa ilalim ng inaprubahang House Bill 7295, itinaas na sa 50 Piso kada botante ang maaaring gastusin ng sinumang tatakbo sa pagka Pangulo, 40 Piso naman sa Pangalawang Pangulo.
Habang 30 Piso naman ang maaaring gastusin ng mga tatakbong Senador, Kongresista, Gubernador, Bise Gubernador, Sangguniang Panlalawigan, Alkalde, Bise Alkalde at mga Konsehal sa kada botante at 10 Piso naman para sa partylist.
Batay sa umiiral na Republic Act 7166 o 10 Piso lamang kada botante ang maaaring gastusin ng mga tatakbo sa pagkapangulo at Pangalawang Pangulo at Tatlong Piso para sa iba pang puwesto
Habang Limang Piso naman kada botante ang maaaring gastusin ng mga tatakbong kandidato na walang kinabibilangang partido.