Mariing tinutulan ng mga lider ng “young guns” ng kamara ang panukala ni Sen. Sherwin Gatchalian, na dagdagan ang inaprubahang P733-milyong budget ng Office of the Vice President para sa susunod na taon.
Iginiit ng mga kongresista ang kawalan ng malinaw na paliwanag kung papaano ginastos ng OVP ang pondo na ibinigay sa kanilang tanggapan kasabay ng babala laban sa mga “budol” Na taktika para lokohin at lituhin ang publiko.
Pinuna rin nina House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V at Assistant Majority Leader Jay Khonghun ang pabagu-bagong posisyon ng OVP kaugnay ng panukalang budget.
Ayon sa mga mambabatas, nauna ng sinabi ng OVP na bahala na ang kongreso na magdesisyon kung magkano ang alokasyon na ibibigay nito sa ahensya.
Ipinunto ni Cong. Ortega na tila paiba-iba na ang mga pahayag ni VP Sara matapos itong humiling sa budget hearing ng senado ng karagdagang pondo.
Sinabi ng kongresista, na nakahanda ang mga ahensya ng gobyerno upang hindi dumoble o maging pareho ang bawat mga programa at maiwasang magamit ang pondo sa maling paggastos kasunod narin ng pagpeke ng benepisyaryo sa mga liquidation document ng OVP.
Nanindigan ang mga mambabatas na hindi naipresenta ng maayos ng ovp ang mga programa nito sa mga pagdinig ng budget sa kamara, na nagdulot ng pagdududa sa kredibilidad nito.
Nauna nang sinang-ayunan ng senado ang pasya ng kamara na bawasan ng P1.3 bilyon ang 2025 budget ng OVP, mula sa orihinal na hinihinging P2.03 bilyon at ibinaba ito sa P733 milyon.
Ang pagsang-ayon ng Senate Finance Committee sa ginawang pagbawas ng kamara ay nagpapatibay umano sa ginawang masusing pagsusuri ng kamara sa badyet at nagbibigay-katwiran sa desisyon nitong ilipat ang bahagi ng pondo ng OVP sa DSWD at DOH.