Pabor si Senador Sherwin Gatchalian sa panukalang itaas na ang campaign expenditure o halaga ng pinapayagang gastusin ng isang kandidato sa panahon ng kampanya.
Sinabi ni Gatchalian na sobrang luma na ng batas na nagtatakda ng campaign expenditures kaya hindi na ito akma sa kasalukuyan at maraming kandidato na ang itinatago kung magkano talaga ang nagastos nito sa kampanya.
Ayon kay Gatchalian sa sandaling ipagbawal ang face to face campaigning posibleng mas maging magastos kung magpo-focus ng kampanya sa social media at traditional media tulad ng radio, television at print media.
Gayunman inihayag ni Gatchalian na maaaring hindi pa ligtas ang pagsisimula ng kampanya sa February 2022 para sa national candidates upang magdaos ng malawakang rally dahil sa posibleng banta pa rin ng COVID-19.
Hindi aniya ito problema sa mga kandidato sa national position na maaaring gumamit ng traditional at social media subalit hirap ang local candidates na kailangang mag face to face campaign sa pamamagitan nang pagbabahay-bahay sa kanilang constituents.