Nakatakdang magpulong anumang araw ngayong linggo ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at ang Philippine Overseas Employment Agency (POEA).
Ito’y para ayusin ang mga babalangkasing panuntunan hinggil sa planong pagtataas ng premium contribution ng mga Overseas Filipino Workers (OFW).
Sa panayam ng DWIZ kay PhilHealth President Ricardo Morales, tatalakayin sa nasabing pulong kung paano nila makokolekta ang kinakailangang kontribusyon sa paraang hindi naman makabibigat sa mga ito.
Wino-work out pa po namin ng POEA yung guidelines dyan kasi ayaw naman po natin mapabigat sa ating mga kababayang OFW pero proteksyon din po ‘yan sa kanilang mga pamilya na naiwan dito. Mas madali kasi yung alam na natin yung mga employers at yung mga rate nila pero yung language medyo mas complicated so, kailangan magkausap kami ng POEA at magkasundo kami at anong magandang proseso para hindi naman mapabigat sa ating mga OFW at the same time maprotektahan ang kanilang mga pamilya naiwan dito,” ani Morales.
Magugunitang binatikos ng mga mambabatas ang anila’y kuwesyunableng hakbang na ito ng PhilHealth lalo’t may tila pangho-hostage pa dahil sa hindi umano mabibigyan ng Overseas Employment Certificate (OEC) ang isang OFW kung hindi nito maibibigay ang hinihinging kontribusyon.
Bagay na itinanggi ni Morales at ipinaliwanag nito na ang 50,000 pesos na sinasabing maximum contribution na para sa mga OFW para lamang sa mga sumusuweldo ito ng mahigit isang milyong piso kada buwan.
Yung mga ano natin graduated yan, ngayon sa 2019 ang monthly lamang ng OFW is P2.75 at 1,6 ata monthly nyan. Kaya yung 50, 000 that is five years from now atsaka kung 1.2-M or 100,000 ang sweldo n’ya buwan-buwan, ayaw naman natin ng ganyan. Kaya nga tayo nag-OFW para makapaghanap buhay, makapagtrabaho, hahanapin na lang natin ng paraan na hindi naman pabigat sa ating mga OFW ang pagkolekta ng premium,” ani Morales. — sa panayam ng Balitang 882.