Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi pa kailangang higpitan ang restriksyon sa bansa, dalawang araw matapos matuklasan ang unang dalawang imported cases ng Omicron variant ng COVID-19.
Inihayag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kasalukuyan pang binabantayan ang sitwasyon kaya’t mananatili sa alert level 2 ang bansa hanggang sa katapusan ng taon.
Tiniyak naman ni Vergeire na aaksyon agad ang pamahalaan sakaling magkaroon muli ng pagtaas o surge ng COVID-19 cases.
Samantala, wala pa anyang napag-uusapan hinggil sa kanselasyon ng pagpapalawig ng face-to-face classes sa kabila ng pagpasok sa bansa ng panibagong variant.
Ang naturang issue ay tinatalakay pa ng DOH, Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHEd) upang matiyak na walang magaganap na hawahan ng COVID-19 sa mga eskwelahan.