Sisimulan na ng pamahalaan ang kanilang gagawing post conflict needs assessment o pagtala sa mga tinamong pinsala ng Marawi City mula sa giyera, sa susunod na linggo.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, ito’y para matukoy kung magkano ang kakailanganing pondo para sa rehabilitasyon ng lungsod.
Sa ngayon, aniya, ang Baranggay Banggolo na business district ng Marawi City ang nagtamo ng pinaka-matinding pinsala matapos na gawing pangunahing kuta ng Maute Group dahilan para bombahin ng militar.
Kahapon, nagpulong na ang mga ahensya ng gobyerno na kabilang sa Task Force Bangon Marawi at tututok sa rehabilitasyon ng lungsod.
Pag-atake ng Maute sa Marawi malabong magawa sa iba pang lugar sa Mindanao
Kumpiyansa si Defense Secretary Delfin Lorenzana na malabo nang magawa ng Maute Terror Group ang kaparehong pag-atake sa Marawi City sa iba pang lugar sa Mindanao.
Paliwanag ni Lorenzana, ito ay dahil tanging sa Marawi City lamang malakas ang kultura ng mga Muslim na nagtutulungan ang mga pamilya.
Ayon sa kalihim, mahihirapan ang teroristang grupo na kubkubin ang Cotabato o Iligan City dahil hindi nila ito balwarte.
Gayundin, tiwala rin si Lorenzana na malabong maukupa ng Maute Group ang Jolo dahil iba ang kultura doon kumpara sa mga Maranao at maging ang Basilan.
Maliit na rin aniya ang pwersa ng Maute Group lalo’t umaabot na sa mahigit tatlong daan (300) ang napapatay sa hanay ng mga ito.
By Krista De Dios | With Report from Jonathan Andal