Naniniwala ang ilang mambabatas na pabuya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtatalaga nito kay Supreme Court Associate Justice Teresita Leonardo De Castro bilang bagong Punong Mahistrado.
Ayon kay Albay Representative Edcel Lagman, pabuya sa naging pangunahing papel ni De Castro sa pagpapatalsik kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang pagtatalaga dito bilang bagong Punong Mahistrado ng Korte Suprema.
Iginiit ni Lagman, na imposibleng may maipatupad o matapos pa si De Castro sa kanyang halos dalawang buwan lamang na pagupo bilang Chief Justice ng Supreme Court dahil nakatakda na rin itong magretiro sa Oktubre.
Inilarawan naman ni Magdalo partylist Representative Gary Alejano ang pagtalaga kay De Castro bilang isang bayad utang, kawalan ng delicadeza at pagpapakita aniya ng pagiging garapal ng pamahalaan.
Sinabi ni Alejano, tila itinuturing lamang ng administrasyong Duterte na isang mababang uri ng gantimpala na ipinamimigay sa kanilang mga taga sunod ang mga posisyon sa pamahalaan.
Palasyo dumepensa sa pahayag ng dalawang mambabatas kaugnay sa pagluklok kay De Castro
Idinepensa ng Malakanyang ang pagkakatalaga kay Associate Justice Teresita Leonardo De Castro bilang bagong Punong Mahistrado ng Korte Suprema.
Ito’y makaraang kuwestiyunin ng mga taga-oposisyon ang appointment ni Pangulong Rodrigo Duterte kay De Castro na anila’y pagtanaw lamang ng utang na loob dahil sa pagpapatalsik kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, wala na aniyang saysay ang mga pahayag ng mga kritiko ng administrasyon dahil binigyang bigat ng pangulo ang judicial professionalism.
Magugunitang inihayag nila Albay Rep. Edcel Lagman at Magdalo Rep. Gary Alejano na pambayad utang na lamang umano ni Pangulong Duterte kay De Castro ang nasabing posisyon dahil sa mga pabor na ibinigay nito at ibibigay pa sa hinaharap.