Pinaghahanda ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hanay ng militar at pulisya sa posibleng pagpapatupad ng mga ito ng social distancing at curfew sa bansa.
Ito ay bilang bahagi pa rin ng mga hakbang ng pamahalaan upang mapigilan ang paglaganap ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) lalo na, ani Pangulong Duterte, ay kung ipagpapatuloy ng publiko ang kawalang-disiplina aniya ng mga ito sa pagsunod sa mga panuntunan ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ).
I’m just asking for your disiplina. Kasi pag ayaw ninyo, ayaw ninyong maniwala, mag-takeover ang military pati pulis. I am ordering them now to be ready. Ang pulis pati military ang mag-enforce sa social distancing at yung curfew. Sila na. Parang martial law na rin. Mamili kayo. Ayaw ko, pero pagka naipit na yung bayan at walang disiplina kayo,” ani Duterte.
Dagdag pa ng pangulo, posibleng ipatupad niya ito sa susunod na linggo.
Samantala, batay sa tala ng Philippine National Police (PNP), nakapagtala na ng nasa 108,088 na mga violators o mga lumabag sa guidelines ng ECQ sa Luzon, sa gitna ito ng patuloy na paglobo ng bilang ng COVID-19 cases sa bansa na sa kasalukuyan at nasa mahigit 5,000 na.