Mariing kinondena ng Philippine National Police (PNP) ang nangyaring pamamaslang sa mamamahayag na si Jaynard Angeles sa Sultan Kudarat kahapon.
Ito ang dahilan ayon kay PNP Spokesman P/Col. Roderick Alba kaya’t kumikilos na sila para plantsahin ang mga dapat ayusin sa pagtatalaga ng focal person on media security.
Ang hakbang ay bilang tugon sa direktiba ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año upang hindi na maulit pa ang pamamaslang o pangha-harass sa mga miyembro ng media.
Sinabi ni Alba na kinikilala ng liderato ng PNP sa pangunguna ni P/Gen. Dionardo Carlos ang kahalagahan ng Media sa paghahatid ng tamang impormasyon at balita sa publiko lalo na ngayong panahon ng Halalan.
Tiniyak ng PNP na magiging katuwang sila ng media sa mga panahong ito ng Halalan kung saan ay inaasahan ang mas malalaking hamon sa pagtupad ng kanilang tungkulin. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)