Naaalarma ang NDFP o National Democratic Front of the Philippines sa sunod-sunod na pagtatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga dating heneral sa kanyang gabinete.
Matatandaang binanggit ng Pangulo na mabubuo na ang kanyang military junta kasunod ng pag-anunsyo nito na itatalaga niya si AFP o Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Eduardo Año bilang DILG o Department of Interior and Local Government Secretary pagkatapos ng pagreretiro nito sa militar.
Ayon kay NDF Founding Chairman Jose Maria Sison, militarisasyon sa gabinete ng Pangulo ang posibleng maging banta sa peace talks sa pagitan ng gobyerno at rebeldeng grupo.
Pinaalalahanan pa ni Sison ang Pangulo na ang Martial Law o maging ang militarisasyon sa gobyerno ay hindi solusyon sa mga problemang kinakaharap ng bansa.
Tinutulan din ng grupong Anakbayan ang pagtatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte ng mga dating heneral sa kanyang gabinete.
Ayon sa grupo, nagiging pang militar na ang mga posisyong dapat sana’y pang sibilyan.
Sinabi naman ni Anakpawis Rep. Ariel Casilao, sa pagtatalaga ng Pangulo ng mga ex- military sa kanyang gobyerno ay tila pagsusulong ito ng authoritarianism at pagbalewala sa karapatang pantao.
Samantala, naniniwala ang ilang eksperto na posibleng ang pagkilos na ito ng Pangulo ay pagpapalakas sa kanyang mga polisiya tulad ng kampanya kontra iligal na droga.
Bukod dito, posibleng istratehiya ito ng Pangulo para mas mapaigting ang suporta ng militar sa mga isinusulong nito tulad ng peace talks sa CPP-NPA at pakikipagmabutihan sa China.
By Rianne Briones
Pagtatalaga ng mga dating heneral sa gabinete kinontra was last modified: May 12th, 2017 by DWIZ 882