Nakakapangamba ang sunod-sunod na pagtatalaga ng Pangulong Rodrigo Duterte ng mga militar sa kanyang gabinete.
Ayon kay Renato Reyes, Secretary General ng BAYAN o Bagong Alyansang Makabayan, kuwestyonable para sa kanila kung bakit nais ng Pangulo na mapaligiran sya ng militar.
Kabilang sa mga pinakahuling itinalaga ng Pangulo sina Department of Environment and Natural Resources o DENR Secretary Roy Cimatu na dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff at incoming Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na kasalukuyan pang Chief of Staff ng AFP.
“Isa na lang daw ang kulang sa lahat, mukha naman siyang nagbibiro what was, for me, alam niya na sunod-sunod na yung appointments niya ng military officials dun sa cabinet position and that he finds it nothing’s wrong or parang merong may pangangailangan siya eh noh? Hindi kop o lubos na mabasa pa kung bakit malakas yung kanyang lead na mag appoint ng mga heneral, ano ba ang pinaninimbangan niya?”, pahayag ni Reyes.
Panukalang national ID system hahareangin ng BAYAN
Pakikilusin ng BAYAN ang kanilang mga kaalyado sa kongreso para harangin ang national ID system.
Ayon kay Renato Reyes, umaasa rin sila na mas malaki ang tsansang hindi makalusot ang panukala pag akyat nito sa senado.
Iginiit ni Reyes na mapanganib sa bawat Pilipino ang national Id system lalo pa’t mahina ang kakayahan ng pamahalaan na pangalagaan ang lahat ng sensitibong impormasyon tungkol sa isang tao na ilalagay nila sa databank.
Una nang lumusot sa committee level ang national ID system kung saan itinatalaga ang PSA o Philippine Statistics Authority bilang tigapangalaga sa databank ng lahat ng impormasyon tungkol sa bawat Pilipino.
“Ang problema, ano ang magiging effect nito sa privacy ng mga tao at sa information po na maaaring makontrol o makuha nila noh? Nasa digital age na po tayo eh, ang dali na lang po talagang kunin yung mga impormasyon, marami sa atin ang nagulat nung hinack yung database ng COMELEC na ipinost online, lahat ng voters’ information ng bawat tao”, bahagi ng pahayag ni Reyes sa panayam ng DWIZ.
By Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview)