Itinanim ang 500 punla ng kawayan sa mga komunidad sa Taytay, Rizal sa isang municipal-wide activity bilang bahagi ng Ynares Eco System o Yes To Green Program.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Taytay, ang mga punla ay ipinamahagi sa tatlong barangay sa Taytay.
Layunin ng aktibidad na palakasin ang pagtutulungan ng mga komunidad sa pagprotekta at pag-iingat sa mga likas na yaman at kapaligiran ng lalawigan.
Samantala, ayon sa Rizal Public Information Office (PIO), pinili ng lokal na pamahalaan ang mga puno ng kawayan dahil ang katatagan nito ay makapagpapatibay sa mga lupain malapit sa mga ilog upang maiwasan ang pagguho ng lupa at pagbaha.
Matatandaang noong 2020, inirekomenda ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagtatanim ng kawayan bilang bahagi ng rehabilitation program para sa Cagayan River para sa mas mataas na survival rate nito at mas mabilis na growth rate kumpara sa iba pang puno. —sa panulat ni Kim Gomez