Pinapayagan na ng Department of Environment and Natural Resources ang pagtatanim ng species ng agarwood o lapnisan, gaya ng aquilaria malaccensis (a-ki-lar-ya ma-la-sen-sis).
Ito’y makaraang aprubahan ni DENR Secretary Roy Cimatu ang pagbibigay ng wildlife culture permit sa pamamagitan ng DENR Regional Offices sa ilang kumpanya sa pagtatanim ng agarwood gamit ang nasabing species.
Gayunman, nilinaw ni Cimatu na may mahigpit na regulasyon tulad ng pagbabawal sa pagkuha ng buto nito mula sa kagubatan o kabundukan.
Bago anya pumasok sa pagtatanim ng lapnisan ay dapat humingi ng permit sa DENR, partikular ang mga magtatayo ng plantasyon.
Ang “lapnisan” ang pinagkukunan ng agarwood kung saan nagmumula naman ang resin o dagta na sangkap sa paggawa ng mamahaling pabango at insenso.
Umaabot sa P100,000 hanggang P5 million ang kada kilo ng agarwood depende sa klase. —sa panulat ni Drew Nacino