Kasama na sa requirement sa aplikasyon ng prangkisa para sa mga pampublikong sasakyan ang tree planting o pagtatanim ng puno, simula December 1.
Batay ito sa ipinalabas na Memorandum Circular 2020-076 ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noong nakaraang Biyernes.
Ayon sa LTFRB, napagpasiyahan ng kanilang board na makiisa sa mga programa ng pagtatanim ng puno sa buong bansa bilang bahagi na rin ng kanilang tungkuling pangalagaan at proteksyunan ang kalikasan.
Sisimulan anila ito sa pagsama sa pagtatanim ng puno bilang isa sa mga kondisyon o requirements ng kanilang mga stakeholders bago mapagkalooban ng certificate of public convenience (CPC).
Sakop ng memorandum ang mga aplikante ng bagong CPC na nagmamay-ari ng hindi bababa sa 10 units ng pampasaherong sasakyan gayundin ang mga korporasyon at kooperatiba na nag-a-apply ng extension.
Kinakailangan anilang magtanim ng isang puno sa kada unit na kanilang inaaplayan ng prangkisa.