Inirekomenda ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang pagsasagawa ng tree-planting activities bilang pangmatagalang solusyon sa pagbaha.
Sinabi ito ng pangulo matapos ang ginawang pag-inspection sa Maguindanao ngayong araw kung saan ini-report sa kaniya ang lawak ng pinsala at bilang ng mga indibidwal na naapektuhan ng Bagyong Paeng.
Ayon kay Pangulong Marcos, naobserbahan niya sa ginawang aerial inspection na lahat ng lugar na nagkaroon ng landslides ay wala nang puno at nakalbo na ang bundok.
Dahil dito, sinabi ng pangulo na mahalagang gawain ang pagtatanim ng puno hindi lamang para sa kalikasan kundi maging sa pagsagip ng buhay.
Samantala, pinatitiyak din ng pangulo ang sapat na suplay ng relief goods sa mga evacuees at ipinaalalang huwag nang mamigay ng ticket para lamang makakuha ng rasyon mula sa gobyerno.