Ginugunita ng mga kapatid na Muslim ang Eid’l Fitr o ang pagtatapos ng banal na buwan ng Ramadan ngayong araw.
Batay sa isinagawang moon sighting kagabi, ilang karatig bansa ng Pilipinas tulad ng Indonesia at Thailand ang nakakita sa bagong buwan o new moon kaya’t idineklara na ipagdiriwang ngayong araw ang naturang okasyon.
Dahil dito, nagsimula nang paghandaan ng mga kapatid na Muslim ang pagdiriwang ng Eid na hudyat ng pagtatapos na rin ng kanilang isang buwan na pag-aayuno.
Ilan sa mga lugar na tiyak na daragsain ng mga Muslim ay ang Manila Golden Mosque sa Quiapo, Blue Mosque sa Taguig gayundin ang iba pang mga Mosque na nakakalat sa iba’t ibang panig ng bansa.
Inaasahan ding daragsain ang Quirino Grandstand sa Luneta, Maynila ng mas malaking bilang ng mga muslim upang duon gawin ang kanilang morning prayer na susundan ng isang salu-salo
Una rito, idineklara ng Malakaniyang na isang National Holiday ang araw na ito batay na rin sa Proclamation 514 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Seguridad sa mga lugar na pagdarausan ng Eid’l Fitr, handa na
Umapela ang lokal na pamahalaan ng Cotabato City sa lahat ng kanilang mga residente na mapayapang ipagdiwang ang Eid’l Fitr ngayong araw.
Paalala ni Cotabato City Mayor Cynthia Guiani – Sayadi, mahigpit nilang ipinagbabawal sa lungsod ang anumang uri ng paputok, ang tradisyunal na mobile takbir at pagpapaputok ng baril.
Kasunod nito, tiniyak naman ni Mayor Sayadi na kasado na ang kanilang inilatag na seguridad sa Grand Mosque sa Kalanganan Area na pinakamalaki sa lahat ng mosque sa bansa.
Samantala, naka-full alert na rin ang Manila Police District para tiyakin ang seguridad gayundin ang kaligtasan ng mga muslim sa lungsod.
Partikular na babantayan ng MPD ang Golden Mosque sa Quiapo gayundin ang Quirino Grandstand kung saan magtitipun-tipon ang malaking bilang ng mga Muslim sa Metro Manila.
Pagtitiyak ng MPD, bagama’t wala naman silang namamataang anumang banta sa seguridad, handa pa rin sila sa anumang hindi inaasahang pangyayari.