Duda ang kampo ni Vice President Jejomar Binay na tapos na ang pagdinig ng Senado hinggil sa alegasyon ng umano’y katiwalian laban sa Bise Presidente.
Tahasang sinabi ni Navotas Representative Toby Tiangco, Pangulo ng United Nationalist Alliance o UNA na hindi siya kumbinsido na tapos na ang nasabing pagdinig at sa halip, bahagi lamang ito ng drama ng mga kalaban nila sa pulitika.
Giit ni Tiangco, hindi kailanman matatapos ang isang usapin hangga’t hindi inilalabas ng senado ang committee report at ito ay dapat na inire-report sa plenaryo sa harap mismo ng 24 na senador.
Kung hindi aniya makapaglabas ng committee report ang senado, nangangahulugan lamang aniya ito na ginamit lamang ang institusyon sa pamumulitika.
Magugunitang inihayag ng Senate Blue Ribbon Sub Committee sa muling pagdinig nito sa alegasyon ng katiwalian laban kay Binay noong Martes na huling imbestigasyon na ang kanilang ginawa.
By Meann Tanbio | Allan Francisco