Dapat mas tutukan ng mga mambabatas ang ligal na aspeto ng ginawang pagpapalabnaw ng Korte sa kaso ng mga pulis na nasa likod ng pagpatay kay dating Albuera Mayor Rolando Espinosa sr.
Ito ang reaksyon ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre kasunod ng isinusulong na mungkahi ni Senador Richard Gordon na tapyasan ang kapangyarihang saklaw ng Justice Secretary partikular sa pagrepaso ng resolusyon sa mga seryosong kaso.
Giit ni Aguirre, labag sa saligang batas ang mungkahi ng Senador dahil malinaw na ang isang kalihim, bilang miyembro ng gabinete ay alter-ego ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas at hindi ito maaaring bawasan o tapyasan ng kapangyarihan.
Magugunitang iminungkahi ni Senador Gordon na sa halip na Justice Secretary ang humawak ng mga petition for review sa mga malalaking kaso, pinalilipat ito sa isang eksperto sa batas tulad ng isang retiradong mahistrado ng Korte Suprema.
Naglabas pa ng hinanakit si Aguirre sa pagsasabing hindi pinapansin ng mga kritiko ang punto de vista sa kaso ni Supt. Marvin Marcos at iba pa kung iyon ba’y suportado ng mga ebidensya o may pinagbabatayang jurisprudence o desisyon ng Korte Suprema.
By: Jaymark Dagala / Bert Mozo
Pagtatapyas sa kapangyarihan ng Justice Secretary labag sa batas – DOJ was last modified: June 29th, 2017 by DWIZ 882