Malamig si Sen. Imee Marcos sa isang panukala na maglalatag ng sovereign wealth fund na sinasabing magbibigay naman ng dagdag na revenue o kita sa gobyerno.
Bagama’t hindi pa niya nabubusisi ang House Bill No. 6398, sinabi ni Marcos na nababahala siya sa itinutulak na Maharlika Wealth Fund o MWF sa mababang kapulungan ng Kongreso bunga ng kasalukuyang economic status ng bansa at napipintong global recession.
Duda rin ang senadora kung mapamamahalaan nang mabuti ng gobyerno ang MWF dahil baon na baon na aniya sa utang ang Pilipinas, maliban pa sa mga obligasyon nito sa iba’t ibang sektor tulad ng mga workers at senior citizens.
Batay sa panukala ni Speaker Martin Romualdez, isinusulong nito ang paglikha ng P250 bilyon na Maharlika Wealth Fund o MWF na magmamandato sa mga government financial institutions na maglagak ng initial investments.