Nakakuha ng suporta sa 2 multilateral lenders at sa US-based think tank ang panukalang pagtatatag ng Maharlika Wealth Fund ng Pilipinas.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, ang 2 Multilateral Lenders ay ang Asian Development Bank (ADB) at International Monetary Fund (IMF) na nakapulong na ng technical working group na binuo sa ilalim ng MWF.
Paliwanag ni ADB Philippines Country Director Kelly Bird, makatutulong ang pagtatatag ng isang sovereign wealth fund upang mapalalim ang domestic capital market, na maaaring magpataas ng capital resources para sa pangmatagalang pamumuhunan sa imprastraktura.
Magandang desisyon din aniya ito ng Pilipinas, lalo’t maraming bansa ang mayroon nang kahalintulad na wealth funds.
Ang paglikha ng Maharlika Wealth Fund ay nakapaloob sa Panukalang House Bill 6398, na inihain nina House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at Ilocos Norte 1st District Representative Ferdinand Sandro Marcos Iii.