Tiniyak ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff, Gen. Hernando Iriberri na pipigilin ng mga tropa ng gobyerno ang anumang tangka ng mga local terror group na magtatag ng Islamic State of Iraq and Syria sa Pilipinas.
Ito ang inihayag ni Iriberri bunsod ng pangambang maghasik ng kaguluhan ang mga grupong gaya ng Abu Sayyaf, Ansar al-Khalifa at Bangsamoro Islamic Freedom Figthers matapos ang pag-atake ng mga miyembro umano ng ISIS sa Jakarta, indonesia.
Ayon kay Iriberri, bago pa lumabas ang video ng sinasabing panunumpa ng katapatan ng mga miyembro ng ASG at Al-Khalifa sa ISIS ay naglunsad na ang mga AFP mga operasyon upang i-neutralize ang mga terror leader at member.
Patunay anya nito ang isinagawang military operations laban sa grupo ni ASG Leader Isnilon Hapilon at Malaysian Bomb Expert Mohammad Najib Hussein alyas “Abu Anas” sa Al-Barka, Basilan, noong isang buwan.
Samantala, muling umapela ang Heneral sa publiko na maging mapagmatyag at tumulong sa militar at pulisya upang maiwasan ang anumang terror plot.
By: Drew Nacino